Pilipino Ako
Poems of Ruth Mabanglo
Pilipino ako--
may hininga ng dagat,
may buhok ng gubat,
may balat na hinurno ng araw,
may tinging pinali ng ulan.
Tinukso ng mga bituing natanaw,
ano’t nangibang-bayan.
Hindi madamot ang lupa--
kinupkop ako ng tuwa,
buhay ko’y sumariwa.
Tigib ang bungo ko ng mga gunita:
daluyong na sa palay ko noo’y
sumalanta,
hampas ng araw na balana’y
umalimura,
mga pangarap na di masambit
ng dila,
mga kabiguang umaalimpuyo
sa unawa.
Paano ako maliligaw?
Larawan ang Hawaii ng nilisang
bayan--
Nabibiyak ang niyog
at tinitighaw ang uhaw.
Nadudurog ang bato
at tumatatag ang aking tahanan.
Humahagkis ang alon
at ako’y nakasasakay.
Sumimpan ang panaginip
at binhi ko’y yumabong--
dila ko’y nagsanga,
gayundin ang kultura.
Hinanap ko ang lupa ni Ama
at supling ni Ina
sa bawat babae at lalaking
naging anak ko sana.
Subalit pati ang mukha ko’y
Di nila kilala.
Binuklat ko ang talaarawan
upang kanilang matunghayan
ang iwing katapangan
ng bayani ng Maktan;
o ang himagsik ng Katipunan,
o ang pagpanaw ng mga gerilya
sa panahon ng digmaan.
Naaaliw lamang sila.
Walang iwa wari ang pangaral
sa kanilang pandamdam.
Ni hindi nasasaling
ng mapait na katotohanan--
hindi ito ang kanilang bayan,
hindi ito ang kanilang kalinangan.
Ako’y Pilipino--
at ito ang imumulat
sa aking mga anak:
kailangang balikan ang ugat
kahit magkasugat;
kailangang kilalanin ang alamat
ng kayumangging balat;
kailangang ituon ang sikap
at itundos ang pangarap
doon sa pagkilala ng kahapon,
doon sa mga gunitang naipon,
doon sa mga inibig na layon.
Ako’y Pilipino--
panata kong kalagin sa pangamba
ang hinlog ko’t pamilya;
panata kong magtanim ng tiwala
sa puso nila’t diwa;
panata kong lumaya
sa anumang ikahihiya--
Pilipino ako’t may aninong
tiyak at malinaw;
Pilipino ako’t may mga anak
na kikilala ng kanilang ugat;
Pilipino ako’t may kaluluwang
lalaging Pilipino
saanmang bayan,
saanmang panahon,
saanmang katawan.
Liham ni Pinay mula sa Japan
Poems of Ruth Mabanglo
Kaya kong awitin ang ballad at blues
Sa karaoke ni Aling Luz;
Iniindak ko ang pap at strut
Sa disco at banyo nang lilis ang manggas.
Kaya naman noon sa dibdib sumimpan,
Huhugutin ko sa hilig ang pagkakakitaan.
Nag-umpisa ako sa Eat Bulaga,
Kulang pang pantaksi ang premyong nataga.
Tawag ng Tanghala’y sinalihan ko rin
Pala kong lahat ang mga kapitbahay namin.
Naghinawa sa akin ang mga pila at kanto,
Ang kahihiyan ko’y sagad hanggang buto.
Sapagkat marupok sa tawag ng dagitab,
Pag-aasam ko’y di mapanatag.
Kusang umiimbay ang balakang ko’t dibdib
Sa tuwing iilanglang ang pamilyar na himig.
Pinagtatawanan ako ng Inay at Itay,
Ang kalaguyong pangarap ibig nang mamatay.
Bulaklak ng muning ako’y maging bantog
Sa sining ng awit at sayaw na maalindog;
Palayok sa bahaghari’y ibig kong maabot,
Nagdarasal ako hanggang unang tilaok.
Magagawa ba ito nang walang gagambalain?
Anak man ng presidente’y nagmomolestiya rin.
Salamat, salamat, may ateng nanalig,
Pinamuhunanan ang sayaw ko’t awit.
Umaga’t hapon ako’y nagpraktis.
Nang pumasa agad sa unang kaliskis.
Lalampas ang byuti ko sa lahat ng rotunda
Paglapag na paglapag sa bayan ng Yakuza.
Kumusta, kumusta, kumusta.
Alam na alam kong kayo’y nagtataka.
Sa balita’t sulat ako’y nagdamot
Gayong di naman tamad at di marupok.
Ang krisantemo pala’y sadyang mapagkait,
Matutuyot ka sa tinig ma’t panaginip.
Ate, dasal kong huwag kang magalit,
Ipukol ang poot sa bundok at langit.
Hindi kumakanta o sumasayaw ang kapatid
sa naytklab at disco ng sakang na singkit.
Ang totoo, ang totoo, mangungumpisal ako,
Parang isang geisha ang papel ko rito.
Anong inam sana kung totoong geisha,
Maritmo ang paglipad na tulad ng maya.
Ngunit ako’y isang kalapating-siyudad,
Umuupo sa bote nang hubo at hubad.
Ate, nagdidildil ako ng luha’t tamod,
Di naman makapalag, kay bagsik ng tanod.
Sino’ng sisisihin sa kapalarang sinapit?
Gamu-gamo akong sa apoy lumigid.
May mga lalaking sa laman ay ganid,
Kayhahaba ng kukong kung bumaon ay lintik;
At dahil may babaing tahimik magtiis
Lumalaganap ang ganitong krisis.
Manhik ko’y huwag na itong ipagmakaingay,
Ano na lang ang sasabihin ng mga kapitbahay--
Sasalida rin la’y bakit pa dumayo
Bukas naman ang Mabini kahit may bagyo.
Natutulog akong unan ang naiipong yen,
Babalik akong mayabang kung pababalikin.
Anyaya Ng Imperyalista
Poems of Ruth Mabanglo
Mahigpit ang paanyaya mo,
Ang di pagdalo maaaring ipagtampo.
Sabi ng tarheta, huwag na hindi dumating
Kinabukasan mo ang isa sa mga hain.
Habol pang sulat nagsasabing
Akung-ako lamang ang panauhin.
Naniwala ako, kinilig pa mandin,
Sa wakas, isang mariwasa ang nakapansin.
Bumili ako ng bagong damit,
Nakipagtipan sa meyk-ap artist:
Sa suot at ayos, kailangang 'da bes'
Upang di mapintasan ng pinoprospek.
Ay siyanga pala, siya ang bos ng kompanya,
Tira ako nang tira'y di n'yo pa kilala.
Hanep sa yaman, huwag mong isnabin,
Ang daming asyenda, katakut-takot ang bilding.
Balita ko pa, nakasawsaw siya,
Sa mga konsesyon ng gobyerno sa abono at troso.
Kaya naman nang hapong dumating ang anyaya,
Puso't isip ko'y naging alisaga.
Inilibot ako ng libong lirip,
Nagumong mabuti sa pananabik;
Ang pobre talaga kung dinadangal
Wisyo'y tumitiwalag sa katawan.
Sa silakbo ng tuwa, katwira'y nauutas
Umaalindog ang pagkapahat.
Sumapit ang hapunang sa kalendaryo'y nahunos,
Inukilkil ako ng telepono't relos--
Hinuhugot ko ang buntonghininga
Hangga't di nararating ang pook na pinetsa.
At naroroon na nga siya,
Tunay na maginoong may papiyesta.
Tumayo siyang gaya ng nararapat,
Ang panauhin, sinalubong agad.
Iniabot ang palad sa aking naglilipak,
Halos tumakas ang aking ulirat.
Kayganda, kayrangya, ng buong paligid,
Ang loob ng silid, tila panaginip.
May nakasabit na Amorsolo't Manansala,
Puro 'orig', hindi kopya.
May lilok na Navarro, Saprid at Joya,
Esperenza't Bechaves ang mga bulaklak na nagdipa.
Nakatuksedong itim ang aking host,
Pakiramdam ko sa sarili'y dumi sa sulok.
Noon kumatok ang alinlangan,
Ano ba ang dahil nitong hapunan?
Ngayong inihahambing ang sarili sa paligid,
Natastas ang tuwa ko't balisa'y bumahid.
Naalala ang pluma at pangalang naiwan
Sa isang munting hapag ng upahang-silid.
Mula nga pala nang paanyaya'y dumating,
Langhap ng talinhaga'y nawala sa hangin,
Pinangaw ng pangarap ang makinilyang himig,
Nakipil na rin ang hiyaw ng dibdib.
"Maupo ka," sabing magiliw nitong ginoo
Na may lagda't salitang ipinanganganino.
Samsam ng takot na ako'y sumunod,
Isa mang kataga'y di naibuntot.
"Magilas na magilas, kung ika'y manaludtod,
Ang daing ng dusta'y naihihimutok.
Lahat kaming kampante't bantulot
Inuutas mo sa tahimik na puyos."
Natulos ako sa pagkakaupo,
Nasulsihan ang labi't mata'y iniyuko.
Dayuhan pala'y maalam sa tulain
Niring bayan kong alaga ng dilim.
Noon nasalab ng tanto ang puso,
Ito'y paanyayang kinulit ng kuro.
Para namang nabasa ang isip,
Sabi mo'y huwag akong pahamig sa inip.
"Ang totoo," pagtatapat mo,
"Matagal na akong hanga sa 'yo.
May salansan ka ng salitang talagang pambihira.
Pumapangit na lalo ang pangit,
Nasusulsulan mo ang dapat magalit.
Tuwang-tuwa ako sa iyo noong una,
Okey lang, ‘ikako, kung may kumakasa."
Kalkulado ang tinig ng may-paanyaya,
Tinatabsing ang dugo kong nawalan ng sigla.
Nagkakanulo ang tinig ng ginoo
Ginigiyagis ako hanggang buto.
"Sabi nila, kayong mga Pinoy, okey makisama,
Kahit ipangutang, pakakanin ang bisita.
Marunong daw kayong mangutang ng loob,
Habambuhay nang nagbabayad, di pa makatagpos.
Dito ko ibinatay ang mabangong programa,
Bigyan ng dyanket ang kontra-kapitalista.
Ginawa kong totoo ang alamat ng snow,
Nakita mo ang New York at Chicago."
Kumudlit sa gunita ang iniandot na biyaya,
Galing sa langit, iyon ang akala.
Ang langit pala'y itong kaharap,
Abot-mata't abot-hawak
Ngunit di magagap ng diwang pahat.
Ibig kong noo'y hubarin ang danas,
Sabihin sa balat, limutin ang yakap
Ng mga kaibigang doo'y nahanap.
"Nguni't ano ang ginawa mo?"
Patuloy ang imperyalista sa kanyang litanya.
"Binansagan mo akong kultura ng kubeta,
Isang lobong nakasuot-tupa."
"At ang hapuna'y isang pakana?"
Kumakatok ang poot sa aking diwa.
"Di ba't sa dyanket, ika'y nagpasasa?
Nagunit nang magbalik, di tumingala.
Sa aking bahay, limang buwan kang tumahan."
Munti mang pasalamat, di ka naringgan.
"Dapat bang ipagpasalamat ang aking pagbabago?
Umuwi akong hindi na ako.
Panitikan mo ang iginuguhit ng aking panulat.
Dila ko'y pagkain mo ang hinahanap.
Pati ang wika kong dati'y matatas
Nakabuhol ang salita mong hindi ko mabaklas.
Anino kitang kinakaladkad
Naitatago lamang kung walang liwanag.
Kailangan kang puksain sa aking pagkatao,
Kailangang iwaglit ng aking anino."
Umuusok ang halakhak ng ginoo,
Humigpit ang tikom ng aking kamao.
"Ngayo'y naloko mo na naman ako.
Alam na alam mo kung paano manghamak
Pagkat napipihong bituka'y sumasala
At ang ganitong anyaya'y mabibihira.
Alam mo ring ikasasanhi ng pagmamalaki
Dahil pinuno kang pumansin ng pulubi."
Muli'y sumagot ang isang halakhak,
Nahahagkis ang dingding sa sobrang lakas.
Umilap ang mata ko sa pag-alab ng hangad,
Kailangang sa pagsubok ako'y lumagpas.
Tinakbo ko ang pinto, ngunit sumara,
Isang pindot lang ng remote ang aking pag-asa.
"Gahasa ba?" kinipil ko sa tinig ang kaba.
"Hindi na ako donselya!
Marami nang dayuhan ang nauna!
Naanakan na ako, hindi lang buko."
"Sampu sampera. 'Di ko papatusin
Kahit ka mamanata!"
At ako'y nalibid sa isang iglap
Ng isang matalim na liwanag.
Isang magaang na koryente ang gumapang sa balat,
Sa bawat galaw ko'y humihigpit ang banat.
Isang hapunan ang aking dinaluhan,
Ako pala ang pagkaing lalantakan.
Una akong nabiyak sa tiyan,
Lumuwa ang atay ng pangangailangan.
Nasiyahan mandin sa lumobong minudensiya,
Sinimulang panghalin ang apdo at bituka.
Sa pait nakatanim ang aking pasya,
Sa asim nakahulma ang pagnanasa.
Nagkulapol ang dugo sa kanyang bunganga,
Ang daliri'y basa ng laway ko't luha.
Nililipatan ng talahib ang labi kong
Batingaw,
Nagtutundos ng krus
Ang pangarap na tumiwangwang.
Kagat dito, kagat doon,
Umabot siya hanggang puson.
Dapat siyang masiyahan,
Doon ako nagkapangalan.
Ang puson ang nagbibigay ng depinisyon,
Bahay-bata ang nagbubukas ng pagkakataon.
"Ito ang pinakamasarap na bahay,"
Namumuwalang huminto ang lalaki.
Ipinikit ko ang mga mata, kailangang
Igalang ang alaala.
Nakaukit sa dingding ng matris
Ang pumasong liyab, ang dumaang danas,
Talisuyong sa bungo'y tumarak
Nakalibing sa siwang ng buwanang danas.
Ulo't galamay na lamang ako,
Buhay pa ri't di namimiligro.
Tumatangging pahamig ang aking isip,
Sa mukha ko'y di puputla ang silahis.
Kuwadrong may pinta ang malay,
Paksa'y ako ring ayaw mamatay.
Saka binalingan ng mandarambong
Ang kanan kong kamay.
Hinlalaki't hintuturo'y pinangos.
Umaringking ako sa sakit na sumudsod.
Ito na, ito na, ang aking krus.
Maginoong imperyalista!
Lahat na ng bahagi ko huwag lang ang kanang kamay,
Huwag lang ang nagsusulat na kamay!
Daliri ang ina ng madlang salita,
Daliri ang humuhugis niring talinghaga.
Hindi pa nga natatapos ang salita ko.
Isa pang hinlalaki't hintuturo
Ang sa napangal na bahagi'y tumubo.
Ang dalawa'y muling kinagat,
Ang hinlalato'y isinama pa.
Ilang saglit lanmang at muling napalitan
Ang tatlong nilapang niya.
Nginangatngat ako ng kirot.
Sa utak, ang sakit, matinding sumusuyod.
Damang-dama kong napipigtas ang daliri,
Nililigis ng ngipin, dinuduhagi.
Wari'y naghahamon sa pagkasiphayo.
Mahihikayat na naman ang gutom na ginoo,
Bawat daliring bumukad
Kinakagat nang walang puknat.
Ginoo,
Walang katapusang paghihirap.
Walang katapusang hamong
Sa aki'y humahagilap.
Magsasawa't mapapagod ka sa pagpanghal,
Mauutas akong ganap
Sa kirot,
Sa lumbay,
Ngunit poot ko'y yayabong,
Tutubong patuloy
Sa sinapupunan ng bumabangong laksang kamay--
Kaliwa't kanan,
Pati mga paa kung minsan--
Susubo maging sa libu-libong mata't bibig
Hanggang magtarak ng iba't ibang tunog,
Ritmo at lirip
Sa milyun-milyong papel,
Hanggang magbangong kamao
Yaong di mabilang na mga kamay:
Sisikil sa 'yo,
Sasakal,
Sasakmal.
-Ruth Elynia S. Mabanglo
Poet, Playwright, Journalist, Textbook writer, Teacher
Coordinator and Professor of Filipino and Philippine Literature Program
Department of Hawaiian and Indo-Pacific Languages and Literatures
University of Hawaii-Manoa
Source: http://www2.hawaii.edu/~mabanglo/RuthMabanglo.html
MISSION: To foster FILIPINO NATIONALISM. "Shake the foundations." Seek knowledge/understand/think critically about roots of socioeconomic-political predicaments in our homeland; educate ourselves, expose lies/hidden truths and fight IGNORANCE of our true history. Learn from: our nationalist heroes/intellectuals/Asian neighbors/other nations;therefrom to plan/decide/act for the "common good" of the native [Malay/indio] Filipino majority. THIS BLOG IS NOT FOR PROFIT.
Friday, March 03, 2006
Tatlong Tula ni Prof. Ruth E.S. Mabanglo
FILIPINO NATIONALISM -is the bottom line;sine-qua-non for the common good of the native (Malay/Indio)Filipino majority. Nationalism must precede any plan/action in dealing with globalization.
EDUCATION- being educated is beyond just being schooled towards a profession or practical vocation; we need the Humanities/liberal arts to develop/apply CRITICAL ANALYSIS/THINKING to understand, identify, plan, act & safeguard the needed fundamental and/or systemic changes towards economic/political progress, social justice, and social transformation.
GOVERNMENT - its raison d'etre is to lead/serve the native majority, foster nationalism via its institutions, ensure the masses are critically literate to have real democracy.
FREEDOM & DISSENT - free thought is necessarily aggressive and critical; we protect the freedom to discover truth; we encourage dissent, not for sentimental reasons, but because we cannot live without it. PATRIOTISM is NOT: " My country, right or wrong;" but " if right, to be kept right; if wrong, to be set right!"
RELIGION/BELIEFS: No Deus ex Machina. No established religion. Humanism/Existentialism.
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
2 comments :
Was the poem " I am a Filipino" really written on March 03, 2006? Or is it just a published date?
Post a Comment