Tuesday, December 13, 2005

Nasyonalismo at Totoo

Kamakailan lamang nailipat sa distrikto ng Cebu ang kaso sa pagpaslang kay Marlene Esperat. Isa siyang mamahayag, na pinaslang sa harapan ng kanyang anak habang sila ay nagkakainan sa isang Banal na Huwebes, isang taon na ang nakalilipas sa isang maliit na bayan sa Sultan Kudarat. Magigimbal ka, hindi lamang sa kung paano siya pinaslang. Mas magigimbal ka kung bakit siya pinaslang.

Marami kasing nalalaman si Marlene, ayon kay Padre Bert Alejo, SJ, ukol sa katiwalian sa Kagawaran ng Agrikultura, kung saan ang mga punong opisyal sa ikalabindalawang rehiyon ay sangkot sa mga maanumalyang kontrata ng mga pataba ng pananim. Milyun-milyung piso ang nilustay ng mga opisyal, nabuko ni Marlene, pinagbantaang papatayin kung sakali mang isiwalat, at nang isiniwalat nga, inunahan na siya ng isang bala sa pagitan ng kanyang mga mata. Pinatay si Marlene Esperat. Hindi siya nagpakamatay para sa pataba ng pananim.

Habang dito sa Maynila, abalang-abala ang karamihan sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ang mga taong matapos marinig ang balita at nagulat pansamantala, nagkibit-balikat at muling tumuloy sa pang-araw-araw nilang buhay. At sa Ateneo naman, abalang-abala ang karamihan sa pamomroblema kung paano makabibili ng panibagong selpon, panibagong kotse, panibagong luho. May nakarinig kaya ng balita? Siguro. Pero kung meron man, nagkibit-balikat din at muling nagtungo sa kanyang sariling paninibugho sa kanyang luho.Tutal nasa Sultan Kudarat naman nangyari. Ang layo sa kalingkingan ng Maynila. Pinatay si Marlene Esperat. Hindi siya nagpakamatay para sa pataba ng pananim.

Magkano nga ba ang halaga ng estudyante ng Ateneo de Manila University matapos nitong grumadweyt? Kung kukuwentahin, marahil aabot sa 450,000 pesos, wala pa ang mga "extra" tulad ng baon, pangkrudo, pang-shopping, at pang-load. At dahil mula sa isang prestihiyosong unibersidad ang nagtapos, kailangang sa isang prestihiyosong larangan ang papasukin, kukunin ang pinakatuktok na posisyon masabi lamang na ako ay matagumpay na. At dahil sa ginastos nilang 450,000 (kung tutuusin, hindi naman sila ang gumastos, hindi ba?), kailangang nilang bawiin ito. Sa pinakamabilis na paraan (ito siguro ang nakakabato sa oras na kinalalagyan natin: kung kailan mabilis ang daloy, hindi pa rin tayo kuntento). Absurdo ba?

At hindi lang iyan. Nag-aral ng kung anu-anong teolohiya, pilosopiya, at tsetseburetseng tinatawag na "pang-akademiko" lamang ang Atenista. Ipinagmamayabang niya sa mundo na edukado siya, at mas nararapat siyang mabuhay dahil sa angking prestiyoso niya.

Maalala ko nga: si Emilio Advincula, yung nagsauli ng pera at alahas sa isang kapwa Pinay, di hamak na taxi driver at walang college degree mula sa Ateneo, Harvard, Oxford o Brent. Pero alam niya na kahit maysakit ang anak niya, at kailangang-kailangan niya ng pera, isinauli pa rin nya.

Yung dyanitor sa NAIA, na nakadampot ng mga dolyar, passport, at alahas habang naglilinis sa isang terminal, gradweyt rin kaya ng Ateneo?

At ang Atenista --- andoon sa mataas na posisyon ng isang kumpanya o korporasyon o sa Malacanang. Laging sikat --- kasi iba't ibang bintang ang ibinabato sa kanya. Laging nasa dyaryo --- binabatikos ng mga sikat na mamahayag na kung minsa'y nagdadalawang-isip na para sa kanilang mga buhay. Laging nasa telebisyon --- kasi ang pangalan niya ay nasa mga plakard na nagbabadya ng kanyang pag-alis sa puwesto.

Mas prestihiyoso? Mas matagumpay? Saan nagkulang ang Ateneo sa paghubog ng mga tinaguriang "lider ng bukas" o yung nakabibinging "kabataang pag-asa ng bukas"?

Si Marlene Esperat ay hindi namatay dahil pataba ng pananim. Namatay siya dahil malakas ang loob niyang magsabi ng hindi kayang sabihin ng karamihan sa mga Pilipino ngayon, lalo na ng mga Atenista.

Katotohanan.
Ang pagbigkas sa totoo ay hindi tulad ng pagbukas ng bibig at lalabas ang tinig na nagsasabing "totoo". Ang pagbigkas sa talagang totoo ay ang pagsasabuhay sa talagang totoo, sa talagang mabuti. At dahil sa katotohanan marami ang hindi matanggap na ang mga bagay na totoo ay talagang totoo. Tulad ng mga opisyal ng DAR na hindi matanggap na sila nga ay mga magnanakaw ng pataba ng pananim. Tulad ng mga huwes na gustong ipawalang-bisa ang kaso ni Marlene dahil sa "kakulangan ng ebidensya" kahit na nasa ilalim na ng kanilang mga ilong ang ebidensyang hinahanap nila. Tulad ng mga testigong kunwari wala silang nakita noong gabing pinaslang si Marlene kahit alam nilang ang pagiging testigo ay para sa ikabubuti ito ng mga anak ni Marlene.

At hindi nagwawakas sa iisang lugar ang katotohanan. Kung sa philo at theo pinag-uusapan kadalasan ang katotohanan, ngayon siguro mas nararapat na sabihing hindi sa paaralan nagtatapos ang pag-unawa sa at pagsabi ng totoo. At mas lalong makabubuting unawain na hindi tayo nag-iisa sa mundo, sa ating kinagagalawan. Kung kaya't ang ating pagsabi ng totoo ay bumabanat hangga't sa kaya nitong ibanat, sa lahat ng tao, nasa Sultan Kudarat man o sa kapitbahay , sa katabi mong kaklase o sa Zimbabwe, may pakialam ka, dahil sa tao ka.

At kung kinakailangan mong humarap sa bala para ipagtanggol ang katotohanan, bakit hindi? Hindi ba't, ika nga ni Ninoy Aquino, ang Pilipino ay karapat-dapat na pag-alayan ng buhay?Nanlulumo lamang ako dahil sa hindi ko natapos ang isa sa mga makabuluhang seminar ng pagka-estudyante ko, pero mula sa mga salitang narinig ko, sapat na ito para mayanig ako na hindi tayo nag-iisa, at mas lalong hindi kailangang mangamba. Katoto-hanan. Magkaibigan sa pagsabi ng tunay na totoo.

ni Nicolo Paolo P. LudoviceSan Mateo Center Head

Source: http://pulsongacilista.blogspot.com/

2 comments :

Anonymous said...

It is unfair for you to single out Ateneo.

Anonymous said...

you can never take a thing to make it perfect..... everyone has a dream, favorite, hatred, kindness, fondness, sweetness, attitudes,love, likeness, believe.... that make us not perfect but GOD is nothing to be compared..... and never deny a truth..... just like a light,... light is created by the absence of darkness.... and darkness occurs when the absence of light...... that makes it never exist.....